Review: Nagka-clinical trial sa isang baranggay na lubhang apektado ng Schisto. Sinubukan ng grupo kung epektibo ba ang redjuice(isang "food supplement") laban dito. Imbes na tignan nila kung titigil ba talaga ang paglabas ng mga itlog kasama ang tae ng apektado ay sinukat na lang nila ang tiyan ng mga kalahok sa pag-aaral. Lumiit raw ang mga ito(isang tao ang 3 buwan na uminom at nawalan raw ng Schisto). Naniniwala sila na napatunayan nilang epektibo ang redjuice dahil sa nakitang pagliit ng mga tiyan. Asa pa sila. Ang natanggap ko lang sa e-mail ay ad ng kanilang produkto; mukhang machine ang nag-reply sa akin. Siguro kailangan ko tumawag sa hotline nila para makakuha ng matinong sagot.
Ayan tapos na ang review. Hindi ba't napansin nila na lumiit ang mga tiyan ng mga sumali(Hindi pa rin natin alam kung lumiit ba talaga pero isipin na lang natin na lumiit nga.). Ayon sa mga eksperto nila, ang dahilan raw ng pagliit ay dahil nalinis na ang colon ng mga tao. Sige, nalinis ang colon, ano naman ang relasyon nito sa Schisto? Sa kasamaang palad, hindi ito nabanggit sa segment kaya ako na lang ang sasagot. Wala masyado.
Ang mga bulate(o adult forms) na nagdudulot ng Schisto ay sa blood vessels ng atay(liver) at bituka(intestines) o sa mas medikal na paraan sa portal at mesenteric venules nangingitlog. Ang mga itlog naman ay dumadaan sa atay tapos sa bile duct tapos sa intestines. Ngayon, ano naman ang magagawa ng cleansing of the colon? Uh... tulungan lalong maglabas ng itlog ang mga taong apektado ng schisto? At iyon nga ata ang naobserbahan nila(hindi ko sigurado magulo ang segment). Mabuti ba ito? Hindi masyado. Siguro makakatulong para hindi magkaroon ng inflammatory reaction sa atay kung umaabot man doon ang epekto. Ang nakikita ko pa nga ay mas tumutulong pa ang redjuice na ikalat ang sakit dahil mas maraming itlog ang nailalabas agad. Sa pagkakaalam ko hindi naman sila nagbanggit ng anti-helminthic effect ng redjuice. Wala silang ginawang in vitro studies o in vivo studies sa hayop. Ayos lang naman siguro kasi food supplement lang naman siya pero tignan natin mamaya kung etikal ba ito.
Ngayon, alam na natin kung bakit mali ang paliwanag nila sa epekto ng kanilang produkto pero hindi pa rin natin naipaliwanag kung bakit lumiit ang mga tiyan ng mga kalahok. Ang unang maiisip mo ay dahil wala silang control group. Maaaring nagkaroon ng mga pangyayari sa baranggay na nagdulot ng pagliit ng kanilang mga tiyan. Pero posible pa rin naman na lumiit nga ang tiyan nila dahil sa redjuice. Posibleng may anti-helminthic effect nga ang redjuice pero sa tingin ko wala at wala rin silang konkretong ebidensya para suportahan ito.
Sa tingin ko, ang pagpayat nila ay dahil nga sa "cleansing" na ginawa sa mga colon ng mga taong ito. Maaaring ang mga taba, tubig at ibang bagay na naiipon sa kanilang bituka dahil sa mabagal na usad ng dumi ang nawala kaya lumiit ang kanilang tiyan. Siguro ang redjuice ay tulad ng ibang pampapayat na inumin; ang dapat nilang sinabi ay nakakatulong ang redjuice para pumayat ang isang tao at hindi gumaling mula sa Schisto. Pero syempre, ad nga ito kaya kailangan may "experiment" part.
Ethics:
Maraming bagay na mali sa pag-aaral na ito. Una ay sa sample population. Sinabi sa website na hindi dapat uminom ang mga batang may na mababa sa labing-dalawa(12) ang edad at ang mga buntis. Nakita ko sa segment na may mga pinaiinom silang bata na mukhang hindi pa sampung taong gulang. Mukhang hindi rin sila nagsagawa ng pregnancy test sa mga babae.
Pangalawa, kawalan ng pangunahing ebidensya ng pagiging epektibo ng redjuice laban sa mga bulate ng Schisto. Hindi sila nagsagawa ng in vitro studies gamit ang mga itlog, cercaria o adult na bulate. Hindi rin sila gumawa ng in vivo studies gamit ang mga animal models. Hindi naman kailangan na kailangan ang mga ito pero tao ang pinaguusapan kaya maraming bagay muna ang pagdaanan bago sila magpainom ng kung anu-ano sa may sakit. Kung may namatay bigla, pananagutan ba nila?
Pangatlo at pinakaimportante, nakakalimutan nila na may gamot na sa Praziquantel kaya dapat matapos ang trial ay pinainom nila ang mga kalahok nito, gumaling man o hindi. Batas na nga ito sa mga drug trials eh(tutal sabi nga nila hindi gamot/drug ang redjuice kundi isang maaaring lunas...BS) Kung magiging istrikto nga tayo, may dalawang grupo dapat: isa na paiinumin ng praziquantel lang at isang paiinumin ng praziquantel at ng redjuice. Kung may pagkakaiba sa dalawang grupo tsaka lang sila maaaring gumawa ng experimento na ang tanging grupo ay iinom ng redjuice at ang isa ay iinom lamang ng placebo.
Ngunit, matapos ang lahat hindi ko pa rin lubos na masasabing walang kwenta ang redjuice laban sa Schisto. Kulang ako sa ebidensya para maliin sila pero tandaan na kulang rin ang kanilang ebidensya para sabihing tama sila. Ang magandang gawin ay magsagawa ng maayos na clinical trial. Isang double-blind trial na may set-up na nabanggit ko sa itaas. Ang pera syempre ay dapat manggaling sa mga gumagawa ng redjuice at hindi na sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng DOH, NIH at DOST.
Ang masasabi ko lang, ang proposed nila na treatment plan sa mga taong may hepatomegaly dahil sa Schisto ay 3 buwan na pag-inom ng redjuice. Ang 2L ng redjuice ay 1800 pesos. Kailangan ng isang tao ng 90 na baso ng redjuice. Ito ay mga 13.3L o 11970 pesos. Magkano ba ang praziquantel treatment? Ang isang taong may hepatomegaly ay mangangailangan ng isang dose ng gamot depende sa timbang. Ito ay maaaring may presyong 20-80 pesos.* Ngayon, kahit epektibo ang redjuice, ano ba ang pipiliin mo?
*-estimated prices mula sa websearch. titignan ko pa kung tama talaga
No comments:
Post a Comment