Sunday, April 27, 2008

Kaya naman pala na-feature sa Bandila ang Schistosomiasis ay dahil mayroon na namang segment na Advertisement talaga ang ABS-CBN para sa isang produkto ng sponsor nila. Isa ito siguro sa mga nakakadiring bagay na ginagawa ng ABS-CBN(at ng ibang istasyon rin). Ang produkto ay redjuice at ang palabas ay ang Rated K. Kadalasan kapag naramdaman ko na isang Ad ng isang herbal product ang susunod na segment ay nililipat ko agad pero naakit ako sa ipinapangako ng produkto. Sabi nila na kaya nito lunasan ang Schistosomiasis. Iniisip ko, malamang ka-gaguhan lang ito pero baka nga totoo. Tsaka, malay ko ba kung ito na nga ang kapalit ng Praziquantel(ang pinaka-epektibong gamot para sa Schisto).

Pinalabas na nila ang segment. Syempre, mga pambungad muna na kaalaman tungkol sa Schisto at sa komunidad na apektado nito. Binanggit rin nila kung paano ito nakukuha at kung paano talaga ginagamot. May mga larawan rin pero cercarial stages lang. Wala mang adult stages. Tsk. Ang ikinagulat ko ay sinabi ng rural doctor na nagkukulang ng Praziquantel sa Pilipinas. Ano ba talaga ginagawa ng DOH at walang gamot ang mga taong ito?! Nilustay lang ba nila talaga ang perang ipinautang sa Pilipinas para i-eradicate ang sakit na ito? Naliligaw na ako. Balik sa kwento. Dahil kulang ang gamot, naisipan ng ilang "concerned private citizens" na pumunta sa apektadong lugar at magsagawa ng "clinical trial." Kung titignan mo talaga, hindi naman siya matatawag na matinong trial. Kung ethics pa lang ang pag-uusapan, bagsak na sila(next post siguro). Sabog rin ang Experimental design. Pero sige, pagbigyan uli. Baka nga lunas talaga ito sa Schisto.

Medyo Science mode muna.
Hypothesis: Kapag uminom ka ng redjuice, gagaling ka sa Schisto.
Sample: Lahat ng may Schisto na malaki-laki na ang tiyan.(Symptom ng late stages ng schisto ay ang paglaki ng tiyan dahil sa hepato(spleno)megaly)

Experiment:
1. Susukatin ang tiyan ng kalahok.
2. Iinom ng isang baso ng redjuice ang kalahok.
3. Pagkatapos ng isang linggo, susukatin muli ang tiyan ng kalahok.

Other steps(hindi ko sigurado kung ginawa o kailan ginawa dahil magulo ang segment):
- Mag stool analysis bago uminom. Mukhang Kato thick ang ginawa pero sa ibang anggulo pwede rin siyang Direct Fecal smear.(Mas maraming tae sa Kato thick kaya mas sensitibo/mas maganda ito gamitin kumpara sa Direct Fecal smear)
- Painumin ang kalahok ng redjuice ng pitong araw, isang beses bawat araw .
- Mag stool analysis matapos ang "treatment."
- Mamili ng ilang tao(o isa lang?) na paiinumin ng redjuice araw-araw ng tatlong buwan

Results:
-Mukhang lumiit ang mga tiyan ng karamihan(kung hindi lahat) ng kalahok. Walang data talaga na pinakita. Hindi rin naglabas ng stat analysis. Malamang kasi isa lang naman itong hamak na TV segment/ad. (In-e-mail ko na iyong group na gumagawa ng redjuice, sana mabigyan nila ako ng copy ng report)
-Ang mga taong uminom ng redjuice ng 3 tatlong buwan ay lumiit ng todo ang tiyan. Kita na nga abs niya eh(isa lang ang pinakita kasi).
-"Naglabasan ang mga itlog." Hindi ako sigurado kung bakit ito maganda. Naguguluhan ata iyong doctor, mamaya natin ito tignan.

Conclusion:
Dahil lumiit ang tiyan nila matapos ang isang beses na inuman o isang linggong pag-inom(hindi ako sigurado kung ilang beses talaga sila uminom), maaaring gamitin ang redjuice na lunas sa Schisto.

Next post na ang "discussion" nila, mahaba-haba kasing usapan iyon. Tignan muna natin ang kung tama ba ang conclusion nila.

Para sa akin, mali ang conclusion. Hindi ibig sabihin na lumiit ang tiyan ay gagaling o magaling ka na sa Schisto. Ang tanging paraan para malaman na magaling ka na ay kung negative ka na sa stool exam(paulit-ulit at quantitative dapat) o sa antigen detection test. Hindi ko alam kung bakit naisip nilang gamiting sukat ng pagiging epektibo ng redjuice ang laki ng tiyan. Nagdala naman sila ng microscope, bakit hindi na lang sila nag-stool exam? Marunong naman ata ang mga barangay health workers tumingin ng itlog ng schisto at hindi naman libo ang taong kalahok sa pag-aaral.

Oo nga, senyales ng paggaling sa Schisto ang pag-liit ng tiyan pero matagal-tagal rin naman ang proseso nito. Ang paglabas nga ng itlog bumababa lamang matapos ang 2 linggong gamutan eh(oo doc, may mga lalabas talagang itlog diyan sa tae nila). Pero, kagulat-gulat rin naman kahit papaano ang pagbaba ng sukat ng tiyan(titignan natin sa next post kung paano ito maipapaliwanag). Sa ngayon ang masasabi ko ay malamang hindi pa magaling ang mga kalahok base sa maling paraan ng pagsukat at pagdiagnose nila.

Importante ring isipin kung lumiit ba talaga ang tiyan ng mga kalahok. Sa mas magandang paraan natin sabihin(pag-pasensyahan ang English): Are the differences between the measurements before and after the treatment statistically significant? Tandaan po natin, wala pa akong kopya ng data nila pero malaki ang suspetya ko na insignificant ang difference. At wala rin silang ginamit na control group(kaya baka hindi sila makagawa ng stat analysis). Malay mo, pumapayat talaga ang mga tao sa lugar noong ginagawa nila ang pag-aaral?

Pahabol lang, hindi ko alam kung na-kumpirma nila ang Schisto sa mga kalahok. Malamang oo pero malabo ang segment at ang mga nagsaliksik. Kasi parang ipinapahiwatig ng mga nagsasaliksik na ginawa nila ang stool exam matapos ang isang linggo.

Sa susunod natin tignan ang ethics at discussion. Pagod na ako eh.

No comments: