Sunday, June 24, 2007

Nakabili na ako ng notebook. Hah! May notebook of everything na ako! Gusto ko sana nang magaganda-gandang notebook pero wala na akong makita. Hindi iyong itsura sa labas. Lumalayo pa nga ako kapag nakakakita ako ng kung anu-anong design eh. Hanap ko ay plain na color o kaya pattern o kung may design man ay hindi dapat related sa kung anu mang cartoon. Pero ang hanap ko talaga ay magandang papel. Mayroon namang mga notebook dyan na maganda ang papel tulad ng Green Apple at Cattleya pero mahal ang mga iyon kaya hindi ko binibili. Ang aking gamit last sem ay Avanti! na notebook. Matino na ang papel at mura pa.

Iyon ang hinanap ko sa National pero wala silang plain na Avanti. Nakakagulat nga kasi sa dami ng notebook na tinda nila ay wala akong mapili. Mamaya-maya may napansin akong isang Starnotes notebook na may picture ng Panda. Sabi ko pwede na siguro ito kung wala talaga akong makitang may solid color na cover pero nang siniyasat ko na ay nakita ko na pangit ang papel. Medyo manipis at hindi ata maganda ang ganito lalo na't madiin ako magsulat at mahilig ako sa matintang mga ballpen. Ibababa ko na sana ang notebook at aalis na ako nang napansin ko na parang baligtad ata ang cover. Aba! Left-handed notebook pala ito! At kung sisiyasatin mo ang mga katabi niya ay malalaman mong iyon lang ang left-handed notebook. Destiny na ata ito(kunwari naniniwala ako sa destiny) kaya binili ko na!

Hindi naman ako nagsisisi sa aking binili kasi mura naman siya at pang-left-handed nga! Hindi pa ako nakakagamit ng ganitong notebook. Tutal wala rin naman gaanong epekto dahil ang ginagawa ko ay maraming subjects sa isang notebook at nagsisimula ako magsulat sa parehas na dulo. Kapag nakuhanan ko na nang picture i-po-post ko dito.

-------
Hindi na ako gumawa ng ipapasa ko para sa Public Herald. Hindi ko maayos ang aking mga iniisip. Parang kapag ginagawa sa utak ang isusulat ko ay humahaba ng humahaba at napapalayo ako sa topic. Tsaka parang ang daming isyu bigla na naisip ko tungkol sa UP at epektibo nga ba ang UP na ipasok sa utak ng mga Isko at Iska ang magandang paraan ng pagkatuto o ang aking mga sariling karanasan, labas sa kolehiyo, ang tumutulong sa aking matututo kung paano mag-aral at matuto. Tsaka parang nagiging hambog ako at nagiging masyadong makasarili bigla ang nagagawa ko. Medyo hambog nga ako pero hindi na dapat lumabas iyon sa aking ipapasa. Tapos iyong ibang parte parang nagiging lecture na imbes na pagkwekwento ng mga karanasan. Siguro sa isang taon na lang at nagiging toxic na rin naman ang buhay hindi ko na muna siguro dadagdagan.

No comments: