Friday, October 26, 2007

Bakit nila pinalaya si Erap? Hindi ko malubos maisip kung ano ang pumasok sa ulo ni pGMA at ibinigay niya ang pardon; pati nga si FVR, na isa sa pinaka-maipluwensiya niyang kakampi, ay tumututol dito eh. Lalo tuloy nadadagdagan ng ebidensya ang isang hypothesis na isa lang siyang presidenteng papet(pasista? hindi pa ata. pahirap sa masa? ewan ko, magulo ang masa, hindi nila maintindihan kung nahihirapan ba sila o hindi.) lalo na nang binanggit pa ito ng isang abogado na taga-usig sa kay Erap na malamang isang malakas na grupong politikal o/at relihiyoso ang pumilit kay pGMA na bigyan si Erap ng pardon.

Ang sakit kasi ng pakiramdam. Para kang ginahasa, sinaktan tapos sinabi na kasalanan mo at ginahasa ka. Hindi man lang nilagay si Erap sa totoong kulungan ni hindi nga siya nakatapak sa Bilibid. Pagpapahirap ba ang house arrest kung saan ang dami-daming luho; mga luho na hindi man lang nararanasan ng karamihan sa bansa. Bukod pa roon, parang malaya na rin siya dahil karamihan ng mga kahilingan niya na bumisita kay ganoon o ganyan dahil Pasko o kaarawan ay natutupad.

Masakit rin sa ulo ang mga katwirang ibinigay ni pGMA at ng mga sumusuporta kay Erap. Nakakawa?! Patawa ka! Matapos niyang magnakaw sa bayan, gastahin ito para sa mga luho niya at hindi man lang aminin na siya ay may kasalanan, patatawarin siya bigla? Matapos niya sabihin na ayaw niya ng pardon, bibigyan mo siya niyon? Ano naman kung matanda na siya? Ibig sabihin ba noon kapag matanda ka na pwede ka na gumawa ng krimen? Ang dami nga diyang mga lolo na nasa kulungan dahil ginahasa ang apo. Hindi ba't para niya na ring ginahasa ang bayan sa mga pinaggagagawa niya? Marunong naman kami maawa pero hindi naman nahirapan si Erap. Inuulit ko, hindi siya tumanda sa totoong prisinto at matanda na siya noong kinulong siya. At paano ngayon ang mga matatanda na nasa prisinto, iyong mga tumanda doon hindi iyong mga bagong pasok, ano na ang gagawin sa kanila? Buti sana kung bibigyan rin sila ng pardon eh. Pakiramdam ko hindi. At para lang maging makatarungan dapat matapos bigyan ng pardon ang matatandang iyon, dapat bigyan rin sila ng house and lot at kabuhayan showcase para lang matumbasan ang halaga ng pardon ni Erap.

Isa pang masakit sa ulo. Bakit nawawala ang mga demonstrasyon, mobilisasyon at mga protesta? Nasaan na ang mga balita ng malawakang pagkilos ng mga "kilusang makabayan?" Wala ata akong narinig at kapag hindi ko nakita sa TV, narinig sa radyo o nabasa sa dyaryo, hindi siya naganap. Ano naawa na rin ba sila? Nasaan na ba ang mga maboboka na tibak ng UPM? Bakit walang statement ang USC o ang Karatula o A-K? O baka dahil nasa Pedro Gil ako at wala sa CAS kaya wala akong naririnig pero parang malabo kasi kapag may walk-out kadalasan dadaan pa rin sila sa malapit sa amin at iikot ng UP-PGH. Baka naman nag-aaral? Kung may makakabasa nito at maiinsulto, patawad na lang. Bato-bato sa langit ang tamaan huwag magagalit.

No comments: